Anong mas nakakaiyak: nalaman mong nakapasa ka sa board exam o nasira ang momentum mo dahil napagkamalang listahan ng ayuda ang ipinasa mong resulta sa erpat mo?

Iyan ang hatid na aliw sa Facebook post ng gurong si Art John N. Arguelles matapos niyang i-flex ang screenshot ng pag-uusap nila ng kaniyang tatay, sa family chat group nila.

Nakapasa kasi si Art sa 2023 Licensure Examination for Professional Teachers o LET, at nang ibalita niya ito sa kaniyang pamilya, napagkamalang listahan ng ayuda o cash assistance ng kaniyang tatay ang ipinadala niya.

"Sinend ko sa GC ng pamilya yung listahan na pasado na ako sa LET."

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

"Papa: 'Ano yan sa Ayuda?'"

"Mas naiyak ako. 😌," aniya.

Sa panayam ng Balita kay Sir Art, sinabi niyang natuwa naman ang kaniyang tatay nang malamang nakapasa siya sa LET.

Nagkataon kasing hindi sila magkakasama nang mga sandaling iyon.

"Hindi kasi kami magkakasama during the release of the result. Wala rin silang idea na kahapon ang result. Nasa labas ako along with my co-teachers so nung nalaman ko sinend ko agad sa GC namin hahahaha sakto Papa ko lang online akala niya ayuda,"

"Pero super happy naman siya kasi nakapasa ako 😄," paglilinaw ng guro.

Si Teacher Art ay nagtapos ng Bachelor of Secondary Education major in Social Sciences sa Philippine Normal University sa Taft Avenue, Manila bilang isang Cum Laude at Service Awardee ng Social Science Club.

Nagbigay naman siya ng tips sa mga kagaya niyang board takers.

"Isa sa mga natutuhan ko sa review ay hindi naman talaga lalabas lahat ng nireview mo but the training and patience in answering multiple numbers of practice exams will help you so much to do well sa actual test," aniya.

Sa kasalukuyan, nagtuturo si Teacher Art sa isang pribadong paaralan bilang guro sa Araling Panlipunan.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!