Isa ang patay habang dalawa ang sugatan sa aksidenteng naganap sa Antipolo City nitong Linggo.

Dead on the spot ang biktimang si Ronnel Heriales habang sugatan naman sina Michael Ringor at  Jomer Castañeda.

AFP, inanunsyo pagbabago sa kanilang social media accounts vs mga 'trolls'

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, nabatid na dakong ala-1:40 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa  ML. Quezon Extension, Brgy. San Roque, Antipolo City.

Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat na bago ang pangyayari ay minamaneho ni Ringor ang isang motorsiklo, angkas si Heriales, at binabagtas ang southbound lane ng ML Quezon Extension.

Pagsapit sa naturang lugar ay hindi umano napansin ng rider ang pedestrian na si Castañeda na nakatayo sa gilid ng kalsada, sanhi upang mabangga nila ito at masugatan sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Nawalan naman ng kontrol sa manibela ang rider at sumemplang ang sinasakyan nilang motorsiklo na nagresulta sa pagkasugat niya at agarang pagkamatay ni Heriales.

Si Ringor ay kasalukuyan nang nilalapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center habang isinugod naman si Castañeda sa Amang Rodriguez Medical Center para malunasan.