DILG, nag-alok ng ₱500,000 pabuya vs killer ng kapitan sa Pangasinan
Nag-alok na ng pabuya ang Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa riding-in-tandem na pumatay sa barangay chairman sa Mangaldan, Pangasinan kamakailan.
Sa panayam, sinabi ni DILG Secretary Benjamin Abalos, Jr. na layunin ng pag-aalok ng reward na mapadali ang pag-aresto sa mga suspek.
Isinapubliko ni Abalos ang hakbang matapos bumisita sa burol ni Melinda Morillo sa Mangaldan, nitong Biyernes ng gabi.
Gayunman, naniniwala pa rin si Abalos na isolated case lamang ito at nananatili pa ring 'generally peaceful' ang rehiyon, partikular sa nabanggit na bayan.
Matatandaang pauwi na si Morillo sa Brgy. Tebag, sakay ng kanyang sports utility vehicle (SUV) nang sumulpot ang dalawang nakamotorsiklo at bigla itong pinagbabaril.
Dead on arrival sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City ang biktima sanhi ng mga tama ng bala, ayon sa pulisya.