PH boat, sinalpok ng Chinese cargo ship sa Mindoro--5 mangingisda, nasagip

(PCG/FB)
PH boat, sinalpok ng Chinese cargo ship sa Mindoro--5 mangingisda, nasagip
Limang mangingisdang Pinoy ang nasagip matapos salpukin ng isang Chinese cargo vessel ang sinasakyan nilang bangka sa bisinidad ng Paluan, Occidental Mindoro kamakailan.
Sa report ng Philippine Coast Guard (PCG), ang mga mangingisda ay sina Junrey Sardan, Ryan Jay Daus, Bryan Pangatungam, Cristian Arizala, at Joshua Barbas.
Ang insidente ay naganap sa pagitan ng MV TAI HANG 8 at FBCA Ruel sa karagatang nasa pagitan ng Paluan, Occidental Mindoro at Palawan nitong Disyembre 5 ng hapon.
Naiulat na nakakabit ang fishing boat ng mga ito sa "payaw" upang makahuli ng maraming isda nang biglang banggain ng naturang cargo ship nitong Disyembre 5 ng tanghali.
Tatlong fishing boat ang sumagip sa mga mangingisda sa bisinidad ng Pandan Island, Sablayan, Occidental Mindoro.
Pagkatapos ng insidente, hindi na nagtangkang tumulong ang mga tripulante ng Chinese cargo ship at iniwan na lamang sa laot ang limang mangingisda sa kabila ng pagkawasak ng ginagamit na bangka.
Iniimbestigahan na ng PCG ang insidente.