Magandang balita dahil isasama na ng Manila City Government sa listahan ng mga cash aid beneficiaries ang mga minors with disabilities (MWDs).

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, inatasan na niya si Manila Department of Social Welfare (MDSW) chief Re Fugoso na kumpletuhin na ang listahan na kailangan para sa implementasyon nito.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Nauna rito, ipinasa ng Manila City Council kamakailan ang Ordinance 8991 na iniakda ni Councilor Fa Fugoso ng ikatlong distrito, at nagsasama sa mga MWDs sa masasakop ng social amelioration program (SAP) ng lungsod.

Pinasalamatan din naman ng lady mayor ang Manila City Council, partikular si Vice Mayor Yul Servo, na nagsilbi rin biglang presiding officer, majority floor leader Councilor Jong Isip, Fugoso at ang lahat ng Konsehal na sumuporta sa mabilisang pagpasa ng nasabing ordinansa.

Alinsunod sa ordinansa, ang mga concerned minors ay tatanggap na ng ₱500 bilang monthly allowance mula sa pamahalaang lungsod.

Ayon Kay Lacuna, labis siyang nasisiyahan sa pagyakap sa mga MWDs at sa pagbibigay sa kanila ng tulong kahit sa maliit na kaparaanan.

Sinabi naman ni Servo na ang Ordinance 8991 ay ipinasa noong Setyembre 19, 2023. Inaamiyendahan aniya nito ang Ordinances 8565 at 8756, na nagbibigay naman ng allowance sa adult persons with disabilities (PWDs), maliban pa sa seniors at solo parents na nakatira sa Maynila.

Sa ilalim ng pag-amyenda na ipinakilala ni Fugoso, na lahat ng PWDs edad 59 pababa at may anim na buwan nang naninirahan sa lungsod, ay tatanggap ng ₱500 monthly mula sa lokal na pamahalaan.

Ang kanilang pangalan ay dapat ding lumabas sa listahan ng PWDs na tinipon ng MDSW.

"They must also be registered voters of Manila, except for minors whose parents or legal guardians must, however, be registered as voters in the city," dagdag ni Fugoso.

“This ordinance will lessen the burden to the families of minor PWDs and make these children happier. The listing and verification will fall under the supervision of the Manila Department of Social Welfare,” saad naman ni  Councilor Fa Fugoso sa kanyang sponsorship speech.

Sa kasalukuyan, ang city government ay nagbibigay ng monthly financial aid sa senior citizens, PWDs, solo parents, Grade 12 students and mag-aaral mula sa dalawang city-run schools, na kinabibilangan ng Pamantasan ng Maynila at Universidad de Manila.