Mga rescuer, nagtungo na sa pinagbagsakan ng eroplano sa Isabela -- IMT
Nagtungo na ang mga rescuer sa crash site o pinagbagsakan ng eroplanong sakay ang isang piloto at isang pasahero sa kabundukang bahagi ng San Mariano, Isabela.
Sa pahayag ng Incident Management Team (IMT) ng Isabela na pinamumunuan ni Constante Foronda, halos 80 miyembro ng rescue group na binubuo ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), Philippine Army (PA), Bureau of Fire Protection, at local government units (LGUs) ang patungo na sa bahagi ng Barangay Casala, San Mariano sa pag-asang mailigtas pa ang pilotong si Capt. Levy Abul II at pasaherong si Erma Escalante.
Nitong Disyembre 5 ng umaga, naispatan ng Philippine Air Force (PAF) Sokol helicopter ang nasabing Piper plane (hindi Cessna katulad ng binanggit sa unang ulat) na may registry No. RP C1234 na pag-aari ng Fliteline Airways at ino-operate ng Cyclone Airways sa kagubatan ng Brgy Casala.
Gayunman, hindi makalapit ang helicopter dahil na rin sa sama ng panahon sa lugar.
Matatandaang nag-takeoff sa Cauayan Airport ang eroplano dakong 9:39 ng umaga nitong Nobyembre 30 at patungo sana sa Palanan Airport, 70 kilometro ang layo, nang maganap ang insidente.