Implementasyon ng 'No Registration, No Travel' policy, luluwagan ngayong Xmas
Hindi na muna hihigpitan ang implementasyon ng "No Registration, No Travel" policy para sa diwa ng Kapaskuhan, ayon sa Land Transportation Office (LTO).
Paliwanag ni LTO chief Vigor Mendoza II, iniutos na niya na luwagan ang pagpapatupad ng polisiya ngayong buwan.
“Our DOTr Secretary Jaime Bautista immediately approved this when we consulted this matter. Panahon ngayon ng pagdiriwang at ayaw naman natin na ang inyong LTO ay magdudulot pa ng stress sa ating mga kababayan,” aniya.
Ipinarating na aniya nito ang direktiba sa mga LTO Regional Director at iba pang pinuno ng mga unit, kabilang na ang Law Enforcement Service na pangunahing namamahala sa operasyon laban sa mga delinquent motor vehicles.
Gayunman, aniya, magpapatuloy ang implementasyon ng polisiya sa Enero 2024.
“Pero gusto ko lang linawin na walang forever ang pagluluwag natin sa mga delinquent motor vehicles. Pagkatapos ng New Year celebration, balik ulit tayo sa dating paghihigpit,” anito.
Nasa 24.7 milyong sasakyan ang hindi nakarehistro ngayong taon, ayon pa sa opisyal.