Guilty: Dawit sa pagpatay kay Percy Lapid, 8 taon kulong
Walong taon na pagkakakulong ang inihatol ng korte sa isang preso ng New Bilibid Prison (NBP) kaugnay ng pagkakasangkot sa pagpatay kay veteran broadcaster Percival Mabasa o Percy Lapid sa Las Piñas noong 2022.
Ito ang isinapubliko ng Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes at sinabing nag-plead ng guilty si Denver Mayores nitong Lunes sa pagiging accessory sa pagpatay kay Lapid.
“Las Piñas Regional Trial Court Judge Harold Huliganga pronounced the sentence, acknowledging Mayores’ conspiracy with former Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag and DSO (Directorate for Security and Operations) Ricardo Zulueta in the murder of Lapid,” sabi ng DOJ.
Si Mayores ay kilalang tauhan ni Bantag na nagtatago pa rin matapos iutos ng hukuman na arestuhin, kasama si Zulueta dahil na rin sa kaso.
Dati nang binanggit ng pulisya na magkakasabwat sina Bantag, Zulueta, Mayores, at Alvin Labra, sa pagpaslang kay Lapid.
Ipinatupad umano ni Galicia ang pagpatay kay Lapid, kasama ang ilang contact nito sa labas ng NBP na nagresulta rin sa pagkakasangkot ni self-confessed gunman Joel Escorial.
Dati nang pinatawan ng hukuman ng pagkakakulong sina Labra at Galicia matapos silang mag-plead ng guilty sa pagiging accessories nitong Hunyo.
Matatandaang pinagbabaril si Lapid habang pauwi sa Las Piñas, sakay ng kanyang kotse, noong Oktubre 3, 2022.