Pawang magaling na ang apat na kaso ng walking pneumonia o mycoplasma pneumoniae na naitala sa Pilipinas ngayong taon.
Ang paglilinaw ay ginawa ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes matapos na kumpirmahin noong Miyerkules na nakapagtala na sila ng apat na kaso ng sakit sa bansa ngayong 2023.
Ayon sa DOH, ang mga kaso ng sakit ay kabilang sa naitala nilang influenza-like illness (ILI) cases sa bansa.
Isa umano ang naitalang kaso ng mycoplasma pneumoniae noong Enero, isa noong Hulyo at dalawa noong Setyembre.
“Only 4 (0.08%) of the confirmed ILl cases from January up to November 25, 2023 were due to M. pneumoniae or ‘Walking Pneumonia.’ All these cases have recovered,” anang DOH.
Anang DOH, ang mycoplasma pneumoniae ay kilala at isang common pathogen na dati na ring na-detect sa bansa.
Paniniguro pa ng ahensiya, “The DOH reassures the public that detecting M. pneumoniae is NOT new or unusual."
Mayroon na rin umanong mga medisina na available upang gamutin ang mycoplasma pneumoniae.
Madali rin anilang mapigilan ang transmission o hawahan nito.
Una nang sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na walang outbreak ng walking pneumonia sa bansa.