Isang babae sa bansang Uganda ang tila milagro umanong nakapanganak ng kambal sa edad na 70-anyos.

Ayon sa mga ulat, kinilala ang naturang bagong panganak na si Safina Namukwaya mula sa Kampala, Uganda.

Sa pamamagitan ng in vitro fertilization (IVF), nagbuntis umano si Namukwaya sa edad na 70.

Ipinanganak naman daw niya ang kambal, na isang babae at isang lalaki, sa pamamagitan ng cesarean section sa Women’s Hospital International and Fertility Center noong Nobyembre 29, 2023.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“A historic achievement indeed,” saad naman ng naturang ospital sa isang Facebook post kalakip ang video ng panayam kay Namukwaya bago makapanganak.

“As we honor this courageous mother and anticipate the healthy growth of her twins, we invite you to celebrate with us. This story isn't just about medical success; it's about the strength and resilience of the human spirit,” saad pa nito.

Samantala, sa isang panayam ng TODAY.com ay ipinahayag ni Namukwaya ang kaniyang pasasalamat na biniyayaan siya ng kambal.

“Some might argue that 70 years is old, but God decided that I get to have twins at 70. There is no one that can put a limit on God’s authority and power,” ani Namukwaya sa TODAY.com.

Excited naman na raw ang bagong panganak na makauwi sa kanilang tahanan sa rural village ng Uganda kung saan naghihintay rin ang kaniyang panganak na anak na may edad na 3-anyos.

Sa ulat ng Agence France-Presse, bago umano magkaanak si Namukwaya sa kaniyang 3-anyos na anak na babae noong 2020, tinutuya raw siya sa kanilang lugar bilang isang “isinumpang babae” dahil umano sa hindi siya magkaanak.

Mayroon umanong kultura sa Africa na mas maganda kapag marami ang miyembro sa isang pamilya.