Nakilala na ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang persons of interest (POIs) sa nangyaring pambobomba sa Mindanao State University gym sa Marawi City noong Linggo, Disyembre 3.
Sa isang press conference sa Marawi City nitong Miyerkules, Disyembre 6, kinilala ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region chief Police Brig. Gen. Allan Nobleza ang dalawang POIs bilang sina Kadapi Mimbesa, alyas “Engineer,” 35-anyos mula sa Barangay Gacap, Piagapo, Lanao del Sur, at Arsani Mimbesa, alyas “Khatab,” “Hatab,” at “Lapitos,” mula sa Barangay Gacap, Piagapo.
Ayon kay Nobleza, si Kadapi ay isang bomb expert ng Dawlah-Islamiyah-Maute Group at nahaharap sa mga kaso ng kidnapping, serious illegal detention at illegal possession of explosives. Mayroon umanong P600,000 pabuya sa pagkakaaresto sa kaniya.
Samantala, si Arsani ay miyembro umano ng DI-Maute Group na nagpapatakbo ng Lanao del Sur at Lanao del Norte at wanted sa kasong pagpatay.
Nakalista ang dalawa sa Police Periodic Static Report sa unang quarter ng 2018.
Nakita naman umano ang naturang mga suspek na nakasakay ng motorsiklo nang maganap ang insidente sa unibersidad.
Si Kadapi, back rider sa motor, ay nakasuot ng puting long-sleeved shirt, gray na pantalon, bull cap na may puting face mask, at itim na bag.
Si Arsani naman, ang driver, ay nakasuot ng itim na long sleeves na may hood, red bull cap, maong pants, at black face mask driver.
Nakita umano ang dalawa dakong 6:27 ng umaga habang papunta sila sa gym bago ang insidente.
Pumasok ang mga suspek sa gym dakong 7:03 ng umaga at umalis sa lugar sakay ng isang motorsiklo bandang 7:11 ng umaga, dalawang minuto bago ang pagsabog dakong 7:13 ng umaga.
Nakita raw si Arsani na may hawak na keypad cellular phone na pinaniniwalaang ginamit bilang command o remote control sa pag-armas ng bomba bago ang insidente.
Sinabi ng isang saksi sa pulisya na nakaupo si Kadapi sa kaniyang tabi sa kanang bahagi, hindi mapakali at kumikilos nang may kahina-hinala at may tinatawagan.
"He was uneasy, 'di siya mapakali, while his left hand is fixing something under the chair,” saad ng saksi.
Bagama't nakasuot ng face mask si Kadapi, nakilala raw siya ng saksi dahil nagkatinginan sila.
“So, nakilala niya sa mata itong taong ito, pati iyong physical built pati iyong height niya,” ani Nobleza.
Iniharap ng pulisya ang tatlong magkakaibang larawan sa saksi at positibong kinilala si Kadapi.
Patuloy ang paghahanap para sa mga suspek, kung saan isang Special Investigation Task Group umano ang nilikha upang mabilis na masubaybayan ang imbestigasyon at magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek at kasamahang na hindi pa nakikilala.
Bonita Ermac