Pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng mga tren sa LRT-1, LRT-2, Philippine National Railways, at MRT-3 dahil sa nangyaring lindol nitong Martes ng hapon, Disyembre 5, ayon sa Department of Transportation (DOT).
Sa pahayag ng DOT, nagpapatuloy umano ang inspeksyon sa mga linya ng tren upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.
“Pansamantalang ON HOLD ang operasyon ng mga tren sa LRT-1, LRT-2, PNR, at MRT-3 dahil sa naganap na paglindol ngayong hapon, ika-5 ng Disyembre 2023,” pahayag ng DOT.
“Nagpapatuloy ang safety inspections sa mga linya ng tren para sa kaligtasan ng biyahe ng mga pasahero,” dagdag pa nito.
Matatandaang iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na namataan ang epicenter ng lindol sa 96 kilometro ang layo sa timog-silangan ng Lubang, Occidental Mindoro.
Naramdaman din ito sa ilang bahagi ng Metro Manila at mga karatig na lugar bandang 4:23 ng hapon.