Kinubra na ng isang lucky winner mula sa Sultan Kudarat ang kalahati ng ₱30M jackpot, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Martes, Disyembre 5.
Matatandaang natamaan din ng isang housewife mula sa Cebu City ang ₱30,052,036.20 jackpot prize ng Mega Lotto 6/45 na binola noong Oktubre 25, kung kaya’t maghahati sila sa premyo.
Maki-Balita: Sa halagang ₱20: Housewife sa Cebu, instant milyonaryo!
Matagumpay nilang nahulaan ang winning combination na 04-34-02-28-42-20.
Kinubra na rin ng taga-Sultan Kudarat ang kaniyang premyo noong Nobyembre 7.
Ayon sa PCSO, bukod sa pagkapanalo sa lotto, nauna na rin nilang nabigyan ng financial assistance sa ilalim ng Medical Assistance Program ang lucky winner para sa dialysis nito matapos ma-stroke.
Samantala, hinikayat naman ng lucky winner ang publiko na patuloy suportahan ang mga laro at produkto ng PCSO.
“Magtiwala sila sa PCSO. Makikita nila ang ebidensya na marami silang matutulungan, maraming programa ang PCSO na tumutulong talaga sa mga Pilipino,” aniya sa kaniyang panayam sa ahensya.
Gagamitin aniya ang napanalunan para ipa-renovate ang kanilang bahay.
Ang premyong napanalunan na lagpas sa ₱10,000 ay sasailalim sa 20 porsiyentong tax na alinsunod sa TRAIN Law.
Ang lahat naman ng premyo na hindi makukubra, sa loob ng isang taon, mula sa petsa nang pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kanilang Charity Fund.