Sa unang pagkakataon, ipinahayag ni Vice President Sara Duterte ang pagtaliwas ng kaniyang pananaw sa naging hakbang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bigyan ng amnestiya ang ilang grupo ng mga rebelde bilang bahagi umano ng peace initiatives ng administrasyon.
Sa kaniyang pahayag sa ikalimang founding anniversary ng NTF-ELCAC nitong Lunes, Disyembre 4, inihayag ni Duterte ang mga “kasamaan” umano ng Communist Party of the Philippines, National People’s Army, at National Democratic Front of the Philippine (CPP-NPA-NDF) sa mga kapwa Pilipino.
“Hindi na rin natin mabilang ang mga barangay captain, kagawad, security volunteers, pulis, at sundalo, na nagbuwis ng kanilang buhay para protektahan ang ating mga komunidad,” ani Duterte.
“Nananawagan ang kanilang mga pamilya ng hustiya. Subalit, hindi ito makakamit kung bibigyan natin ang mga teroristang grupo ng amnestiya, sa pamamagitan ng Proclamations 403 at 404,” saad pa niya.
Ang naturang proklamasyong binanggit ng bise presidente ay nakapaloob sa inamyendahang Executive Order (EO) No. 125, series of 2021 o ang paglikha ng National Amnesty Commission (NCA) na nilagdaan kamakailan, kung saan pinagkakalooban ng pangulo ng amnestiya ang ilang mga rebeldeng grupo, kasama ang mga dating miyembro ng CPP-NPA-NDF.
“Sumusuporta ako sa mga hakbang para itaguyod ang kapayapaan sa bansa because the fight against terrorists is deeply personal to me, as it is deeply personal to the families of countless Filipinos whose lives were forever upended because of the madness of terrorists. Pero hindi ang pagbibigay ng amnestiya ang daan sa kapayapaan,” ani Duterte.
“Ang dapat nating gawin ay ipagpatuloy ang ating mga nasimulan sa NTF-ELCAC at mas palakasin pa ang mga ito. Panalo na tayo, lumalaban na ang mga komunidad,” pagbibigay-diin din niya.
Samantala, hayagan ding tinawag ni Duterte ang naging hakbang ng pamahalaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Oslo na “isang kasunduan sa diyablo.”
“Mr. President, the government’s statement with the NDFP in Oslo was an agreement with the devil. Napatunayan na natin sa kasaysayan na hindi sila seryoso at wala silang sinseridad sa usaping pangkapayapaan. Gagamitin nila itong peace negotiation sa pagtraydor sa pamahalaan at paglinlang sa taumbayan. We appeal to your power to review these proclamations and agreements,” giit ng bise presidente.
“Apo BBM, sana po ay isaalang-alang natin ang ating mga komunidad na naging pugad ng mga terorista sa mahabang panahon na ngayon ay lumalaban na at tumutulong sa pamahalaan. Let us honor the memory of those who died in the senseless and bloody attacks of the NPA-CPP-NDFP.”
“Mr. President, we can negotiate for peace and reconciliation and pursue meaningful development efforts in the Philippines without capitulating to the enemies. Hiling namin na kami ay mapakinggan,” saad pa niya.