Kinondena ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang naganap na pambobomba sa loob mismo ng gymnasium ng Mindanao State University (MSU) nitong Linggo ng umaga, Disyembre 3, na nagresulta sa pagkamatay ng ilang indibidwal at pagkasugat ng iba pa.
Idinahilan ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, pangulo ng CBCP Social Action Justice and Peace Commission, walang puwang sa pamayanan ang anumang uri ng karahasan.
Umapela rin ang obispo sa mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon at tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan lalo na ngayong Christmas season.
Panawagan din niya na kaagad na tukuyin, arestuhin at panagutin sa batas ang mga taong may kagagawan ng naturang karahasan.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), dakong alas-7:10 ng umaga nang maganap ang pagsabog sa Dimaparo Gymnasium ng MSU habang dumadalo ng Banal na Misa ang mga estudyante at kawani ng unibersidad.
Ikinalungkot rin ng obispo ang insidente lalo’t nagsusumikap ang religious leaders ng Mindanao na isulong ang pagbubuklod sa lugar upang makamit ang kapayapaan ng pamayanan.