Kinumpirma ni Manila Mayor Honey Lacuna na sinisimulan na ng lokal na pamahalaan ang pagpreserba sa mga labi ni Mali, ang nag-iisang elepante sa Pilipinas na sumakabilang-buhay na kamakailan.
Ayon kay Lacuna, inatasan na niya si City Administrator Bernie Ang na makipagpulong sa mga taong magsasagawa ng preserbasyon sa mga labi ni Mali, kabilang na rito si Parks and Recreation Bureau chief Roland Marino at zoo veterinarian Dr. Chip Domingo.
Layunin nitong maplantsa na ang mga requirements at iba pang detalye ng preserbasyon.
Alinsunod sa plano, kailangang gawin ang taxidermy o ang proseso para mapreserba ang balat ni Mali pati na ang kalansay at mga buto nito.
Sa sandaling matapos ang proseso ay ilalagay ang mga labi ni Mali sa isang museo, upang makita pa rin ng mga bisita si Mali, katulad noong nabubuhay pa ito.
Sinabi ng alkalde na sa loob ng ilang dekada, si Mali ang nagsisilbing star attraction sa Manila Zoological and Botanical Garden o Manila Zoo at dahil dito ay nagkaroon ng iba't-ibang kwento ang mga Manilenyo sa kanilang karanasan kay Mali.
Pahayag pa ni Lacuna, “Mali is irreplaceable. I'm sure that just like me who grew up looking forward to see Mali when visiting the zoo, everyone has a special place in their hearts for her. This is why we want to perpetuate her memory by preserving her.”
“Alam n’yo naman po, prized possession namin si Mali, siya po ang star attraction dito sa Manila Zoo so nagsisimula na kaming magkaroon ng talks with the experts kung paano magagawang mai-preserve si Mali at mailagay siya sa museum natin dito,” aniya pa.
Si Mali ay una nang pumanaw noong Martes ng hapon matapos na umabot sa kanyang maximum life span para sa Asian elephants.
Base sa ulat ni Domingo, si Mali ay na-diagnosed na maraming tumor na nakaapekto sa ilang organs nito at nagdulot ng sobrang pressure sa kanyang katawan at puso at hindi na kayang mag-pump ng sapat na dugo upang manatili siyang buhay.
Nalampasan na rin aniya ni Mali ang kanyang maximum life span na 40 hanggang 45-taong gulang, dahil siya ay namatay sa edad na 50.
Ayon pa kay Lacuna, base sa records, ang pag-aaruga at pangangalaga kay Mali ay ipinaubaya ni dating Pang. Ferdinand Marcos sa city government ng Maynila sa ilalim ni dating Mayor Ramon Bagatsing.
Nakipag-usap na din ang city government sa government ng Sri Lanka upang ipaalam sa kanila na namatay na si Mali, sa pag-asang muli nilang bibigyan ang lungsod ng panibagong elepante na aalagaan.