Nangako si Atty. Harry Roque na magbibitiw siya bilang abogado kapag nagkaroon umano ng hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.

Sa programang “Pulso ng Bayan” sa SMNI nitong Lunes, Disyembre 4, kung saan nakasama si Roque, tinawag niya ang nakapanayam nilang si Senador Ronald “Bato” dela Rosa bilang “paboritong kliyente.”

“Ang aking pangako, Senator Bato, walang mangyayari diyan sa ICC, magbibitiw muna ako sa aking pagiging abogado,” saad ni Roque kaya Dela Rosa.

“Ayan po, inaanunsyo ko na, magbibitiw na ako sa pagiging abogado kung merong jurisdiction [sa bansa] ‘yang ICC na ‘yan,” saad pa niya.

PBBM sa posibleng pagbabalik ng ‘Pinas sa ICC: ‘That’s under study’

“Attorney, nagpapasalamat ako diyan sa suporta mo sa akin diyan sa ICC, salamat talaga,” saad naman ni Dela Rosa.

Matatandaang inihayag kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pinag-aaralan umano ng pamahalaan ang posibleng pagbabalik ng Pilipinas bilang miyembro ng ICC.

Bilang reaksyon naman sa pahayag ng pangulo, sinabi ni Dela Rosa kamakailan na nararamdaman niyang kailangan na niyang maghanda sa maaaring mangyari lalo na’t siya ang tumayong Philippine National Police (PNP) chief nang magsimula ang madugong giyera kontra droga sa bansa.

https://balita.net.ph/2023/11/24/bato-sa-pahayag-ni-pbbm-hinggil-sa-posibleng-pagbabalik-ng-ph-sa-icc-i-should-be-ready/

Ayon sa mga ulat, mahigit 6,000 katao ang pinatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan inihayag naman umano ng iba’t ibang international human rights organizations na nasa 12,000 hanggang 35,000 ang aktuwal na bilang ng mga nasawi dahil dito.