Inaasahang magdudulot ng mga pag-ulan ang northeast monsoon o amihan at easterlies sa ilang bahagi ng bansa ngayong Lunes, Disyembre 4, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Aurora at Quezon dulot ng easterlies o ang mainit na hanging nanggagaling umano sa karagatang Pasipiko.

Malaki naman ang tsansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Batanes at Cagayan Islands bunsod ng hanging amihan.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malalakas na ulan.

National

OVP, gumastos umano ng ₱16M sa loob ng 11 araw noong 2022

Samantala, ayon sa PAGASA, inaasahan ding magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Bukod dito, inihayag din ng PAGASA na malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms at ng easterlies.

Posible rin naman umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.