
(📸: Philippine Coast Guard/FB)
Higit 135 Chinese maritime militia vessels, namataan sa Julian Felipe Reef
Mahigit sa 135 Chinese Maritime Militia (CMM) vessels ang namataan sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang batay na rin sa pagbabantay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kamakailan.
Dahil dito, iniutos ni National Security Adviser, National Task Force on the West Philippine Sea head, Gen. Eduardo Año sa Philippine Coast Guard (PCG) na magsagawa ng maritime patrol upang makakuha ito ng ebidensya ng pananatili ng CMM vessels sa Julian Felipe Reef, kilala rin bilang Whitsun Reef.
Nitong Disyembre 2, dalawang barko ng PCG ang ipinadala sa bisinidad ng Julian Felipe Reef upang magpatrolya.
Naiulat na hindi tumutugon ang mga barko ng CMM sa radio challenge ng BRP (Barko ng Republika ng Pilipinas) Sindangan at BRP Cabra na nagtataboy sa mga ito sa nasabing teritoryo ng Pilipinas.
Matatandaang namataan ng PCG ang nagkukumpulang 111 CMM vessels sa bahagi ng Julian Felipe Reef nitong Nobyembre 13.
Ang Julian Felipe Reef ay nasa 175 nautical miles o mahigit sa 324 kilometro kanluran ng Bataraza, Palawan.