Tuluyan nang binasag nina Kapamilya stars Kathryn Bernardo at Daniel Padilla ang umugong na balita tungkol sa kanilang hiwalayan matapos nila itong kumpirmahin sa pamamagitan ng post sa kani-kanilang Instagram account. 

MAKI-BALITA: Kathryn, Daniel, hiwalay na

MAKI-BALITA: Daniel, kinumpirmang hiwalay na sila ni Kathryn

Ngayon ay balikan ang makulay na kuwento nina Kathryn at Daniel na nagsimula bilang magka-love team hanggang maging isa sa mga sikat na real life celebrity couple sa bansa.

Tsika at Intriga

Gretchen kumain ng 'piattos' habang pinanonood si PBBM: 'The New Teleserye'

Isinilang ang tambalang KathNiel nang unang nagkasama sina Kathryn at Daniel sa isang youth-oriented show na “Growing Up” na umere noong Setyembre 21 hanggang Pebrero 2012. 

Pinalitan ni Daniel si Albie Casiño na dapat sana ay gaganap bilang “Patrick” na makakapareho ni Kathryn sa nasabing programa.

Sa panayam ni DJ Jhai Ho kay Daniel noong 2020 sa “Showbiz Pa More”, ibinahagi niya ang kaniyang frist impression kay Kathryn.

“First impression is siyempre na-struck ka ‘di ba. Na-struck ka na parang ‘Galing Mara Clara ‘to napakahusay nitong tao na ‘to, ‘di ba. E, baguhin lang ako ta’s ipa-partner. So, may pressure,” aniya.

Dahil naging patok ang tambalan ng dalawa, nasundan pa ang kanilang proyekto. Noong 2012, nagkasama sila sa teleseryeng “Princess and I” kung saan naroon din sina Khalil Ramos at Enrique Gil na ang mga karakter ay magiging karibal ni Daniel kay Kathryn.

Nang sumunod na taon, 2013, inilunsad ang kauna-unahang pelikula nina Kathryn at Daniel na pinamagatang “Must Be…Love” na idinirek ni Dado Lumibao.

Sa taon ding ito ipinalabas ang kanilang pelikulang “Pagpag” na pumapatak sa horror ang genre.

Dahil sa tagumpay ng dalawang pelikula, nagtuloy-tuloy pa ang pagdating ng mga proyekto. Noon din nakita ng fans ang posibilidad na maging totoo ang relasyon nina Kathryn at Daniel lampas sa mga ginagampanan nilang karakter.

Noong 2014, nailuwal ang “She’s Dating The Gangster” na adaptasyon mula sa isang kuwento sa Wattpad. Kumita ang pelikula nang ₱296M. Lalong nasemento ang pangalan ng KathNiel sa industriya ng showbiz.

Habang umuusad ang panahon, mas nagiging seryoso at mature na ang paksa pampag-ibig na itinatampok sa kanilang mga pelikula. 

Nang sumunod na taon, 2015, ipinalabas ang “Crazy Beatiful You” sa direksyon ni Mae Cruz-Alviar.  Sa parehong taon din nagkaroon ng remake ang “Pangako Sa ‘yo” kung saan bumida sina Daniel at Kathryn. 

“Barcelona: A Love Untold” naman noong 2016. Sa pelikulang ito nangyari ang kauna-unahang first kiss nina Kathryn at Daniel on screen. 

Noong 2017, muling bumuo ng pelikula si Direk Mae Cruz-Alviar. Nagsamang muli ang KathNiel sa “Can’t Help Falling In Love”. Sa taon ding ito bumida sina Kathryn at Daniel kanilang kauna-unahang fantasy series na “La Lung Sangre” kasama sina Angel Locsin, Richard Gutierrez, at John Lloyd Cruz.

Pero kung may maituturing mang pinakamakasaysayan sa mga proyektong ito, iyon ay ang “The Hows of Us” noong 2018 na idinirek ni Cathy Garcia-Sampana.

Sa isang press conference kasi ng nasabing pelikula, inamin ni Daniel na mahigit limang taon na umano silang magkarelasyon ni Kathryn sa totoong buhay.

Sa katunayan, inamin din ng aktor ang tungkol dito nang maging guest siya sa isang episode ng “Tonight With Boy Abunda”.

“Hindi na namin tinatago. Happy na kami sa buhay namin ngayon, personal na buhay. Wala na kaming itinatago,” ani Daniel.

Pagdating ng 2019, naging bukas ang KathNiel sa mga proyektong hindi sila magkasamang dalawa. Nakatambal ni Kathryn si “Asia’s Multimedia Star” Alden Richards para sa pelikulang “Hello, Love, Goodbye” na itinuturing na highest-grossing Filipino movie sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino dahil kumita ng ₱880.6M.

Nang sumunod na taon, 2020, binuksan nina Kathryn at Daniel ang posibiidad ng pagpapakasal. Sa isang panayam sa “Magandang Buhay” kung anong uri ng kasal ang pinapangarap nila.

“Over the years kasi parating ‘yung common na lugar na nagpapasaya sa amin [ay] ‘yung dagat. Pareho kami na gusto ‘yung wedding sa beach, kasama ‘yung mga tao na tumulong kung paano maging kami ngayon," saad ni Kathryn.

Pagsapit ng isang dekada ng kanilang love team noong 2021, nagbahagi si Kathryn ng mahigit isang oras na vlog sa kaniyang YouTube account tampok ang mahahalagang pangyayari sa kanilang buhay.

“As we celebrate KatNniel’s 10th anniversary as a love team, DJ and I met with our friends, family, and fans to create this special documentary that tells the story of our humble beginnings, our cherished milestones, and everything in between,” pahayag ni Kathryn sa caption ng nasabing video.

Hindi rin nagpapigil ang KathNiel sa paghahatid ng saya at kilig sa kanilang mga tagasubaybay sa kabila ng panganib at bantang dala ng pandemya. Sa pagitan ng Disyembre 2020 at January 2021 ay umere KTX.ph at iWantTFC ang kanilang romantic comedy series na “The House Arrest of Us”. 

Nang bumaba naman ang mga naitatalang kaso ng Covid-19 noong 2022 ay nagkaroon ng teleserye comeback ang KathNiel na pinamagatang “2 Good 2 Be True”. 

At dahil sa kaniyang natatanging pagganap, kinilala si Kathryn bilang “Outstanding Asian Star” sa Seoul International Drama Awards 2023.

  1. Tuluyang nagkaniya-kaniya ang KathNiel sa mga proyekto. Noong Abril ay inanunsiyo na magkakaroon umano ng dalawang pelikula si Daniel: “The Guest” na ididirek ni Jerrold Tarog at “Nang Mapagod si Kamatayan” na hinango mula sa kuwento ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee at ididirek ni Dan Villegas.

Samantala, si Kathryn naman ay nakasama ang award-winning actress na si Dolly De Leon para sa pelikulang “A Very Good Girl” na ipinalabas lang noong Setyembre 27 at kumita ng ₱100M sa takilya.

Sa red carpet ng “A Very Good Girl” nagsimulang magsuspetsa ang mga fan sa totoong kalagayan ng relasyon nina Kathryn at Daniel. Hindi kasi magkasama ang dalawa sa nasabing event. 

Makalipas ang dalawang buwan, nawindang ang mga sumusubaybay sa tambalang Kathryn at Daniel nang iulat ni showbiz columnist Ogie Diaz na palihim umanong nagkikita sina Daniel at kapuwa Kapamilya star na si Andrea Brillantes.

MAKI-BALITA: Sitsit ng source ni Ogie: Daniel at Andrea, palihim na nagkikita?

Bagama’t nagpasubali si Ogie na wala pa umanong kumpirmasyon ang balitang ito, kinuyog siya ng maraming KathNiel fan at sinabihang “fake news peddler”.

MAKI-BALITA: Fans nagwala: Ogie Diaz trending sa X

Pagkalipas ng mga araw, lalong lumakas ang bali-balitang hiwalay na sina Daniel at Kathryn nang i-unfollow ng huli si Andrea.

MAKI-BALITA: Kathryn Bernardo, inunfollow si Andrea Brillantes sa IG?

Gumanti naman si Andrea sa ginawang iyon ni Kathryn.

MAKI-BALITA: Andrea inunfollow na rin si Kathryn, pero naka-follow kay Daniel

At noon ngang Nobyembre 30, bago pumasok ang buwan ng Disyembre, tuluyan nang tinuldukan ng KathNiel ang mga ispekulasyon tungkol sa totoong kalagayan ng kanilang relasyon.

Kinumpirma nila ang kanilang hiwalayan bagama’t hindi na nagbigay pa ng ibang detalye sa naging dahilan nito.

Tila nakisimpatya naman ang buong Pilipinas sa hiwalayan, mapa-celebrities man o karaniwang tao, patunay ang maraming posts at videos na nagpapakita ng kanilang saloobin at reaksiyon nang mabasa ang statements ng dalawa sa kani-kanilang socials.