“It’s said all good things come in threes.”
Nagdiwang ng 93rd birthday ang triplets mula sa Unites States na kinilala ng Guinness World Records (GWR) bilang pinakamatandang nabubuhay na male triplets sa buong mundo.
Sa ulat ng GWR, ipinanganak ang triplets na sina Larry Alden Brown, Lon Bernard Brown, at Gene Carol Brown noong Disyembre 1, 1930.
Kinilala raw sina Larry, Lon, at Gene bilang “world’s oldest living triplets (male)” sa gitna ng kanilang pagdiwang ng kanilang 93rd birthday nitong Biyernes, Disyembre 1, 2023.
“We would’ve tried to get together at least one more time, but my brother Gene in Oklahoma is not doing well and cannot travel,” pagbabahagi ni Larry sa GWR. “We’ll each have our own celebrations as we are able.”
Huli umanong nagkasama ang triplets noong nakaraang taon para sa kanilang 92nd birthday kung saan nakasama rin nila ang kanilang mga pamilya.
Ipinanganak umano ang triplets sa Kalvesta, Kansas, USA—first born si Larry, pangalawa si Lon at huli si Gene.
“The brothers also have four older siblings - three brothers and one sister, who have all passed away,” anang GWR.
Samantala, lumaki raw ang triplets hindi lamang bilang magkakapatid ang turingan kundi bilang magkakaibigan.
Sa kanilang kabataan, palagi raw magkakasama ang tatlo sa paglalaro at pag-aalaga ng mga hayop.
Mas naging maganda rin daw ang samahan ng tatlo sa pamamagitan ng kanilang pag-bonding kasama ang kanilang first dog na pinangalanan nilang White Jeggs.
Sa ngayon ay may kani-kaniya na raw pamilya sina Larry, Lon, at Gene, na kapwa malalapit din sa isa’t isa.
Si Larry ay may tatlong anak, walong apo, at 12 apo sa tuhod; si Lon naman ay may apat na anak, anim na apo, at tatlong apo sa tuhod, habang si Gene ay may dalawang anak, anim na apo, at 10 apo sa tuhod
Kasalukuyan umanong nakatira sina Larry at Lon sa senior living community na Foxwood Springs sa Raymore, Missouri, habang si Gene ay nakatira sa Bartlesville, Oklahoma.
Samantala, ayon kay Larry, bagama’t hindi inasahan ay masaya raw silang nakapagkamit ng world record title bilang pinakamatandang world’s oldest living male triplets.
Ibinahagi rin niya na ang sikreto sa isang mahaba at malusog na buhay para sa kaniya at sa kaniyang mga kapatid ay ang pag-iwas sa paninigarilyo, pag-inom, at droga.
“We always had each other as friends as well as brothers and we were always each other’s protectors,” saad pa ni Larry.