Binigyang-pugay ni Atty. Luke Espiritu ang beteranong aktor na si Manuel “Jun” Urbano Jr., mas nakilala bilang “Mr. Shooli,” na pumanaw nitong Sabado, Disyembre 2.

Sa kaniyang Facebook post, ibinahagi ni Espiritu na una niyang nakadaupang-palad si Jun noong nakaraang eleksyon kung saan tumakbo siya sa pagka-senador.

“Ininterbyu nya tayo sa kanyang bahay para sa kanyang Youtube channel pero matagal na natin siyang napanood sa TV dahil sa kanyang sikat na show na Mongolian Barbecue,” pahayag ni Espiritu.

“Isa siya sa mga iilang icon sa Philippine media na inilagay sa mainstream ang malalim at progresibong pagtalakay sa mga isyung pampulitika sa paraan ng satire.”

Veteran actor Jun Urbano, mas kilala bilang ‘Mr. Shooli’, pumanaw na

“Wala nang ganitong mga show at personalidad sa mainstream ngayon kaya nawa'y may bagong henerasyong makapag-isip na ibalik sa public sphere ang malikhain at progresibong pagtalakay sa politika sa panahong ito ng patayan, nakawan, at kawalanghiyaan ng mga nasa poder na siyang nagpapahirap sa ating lahat. Para sa mga artists, creatives, at kabataan, ipagpatuloy natin ang legasiya ni Jun Urbano,” saad pa niya.

Ipinaabot din naman ni Espiritu ang kaniyang pakikiramay sa pamilya ng aktor.

Matatandaang nito lamang ding Sabado nang kumpirmahin ng pamilya ni Jun ang kaniyang pagpanaw dahil umano sa ruptured abdominal aortic aneurysm.