Hinikayat ni dating Senador Leila de Lima si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ibalik ang Pilipinas bilang miyembro ng International Criminal Court (ICC).
Ito ay matapos ihayag ng pangulo kamakailan na pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibleng pagbabalik ng bansa sa ICC.
Sa panayam ng Manila Bulletin kay De Lima, inihayag ng senador na ang desisyon ni Marcos bilang hepe ng foreign policy ang masusunod kung babalik ba ang bansa sa ilalim ng ICC, kaya’t sana raw ay maging positibo ang resulta ng pag-aaral ng pamahalaan hinggil dito.
“Hindi pa natin masabi kung ano mang magiging kalalabasan nong sinasabi ni PBBM na pinapa-restudy niya 'yung isyu na iyan, 'yung pagbalik natin as member ng Rome Statute,” ani De Lima.
“Sana nga ang maging resulta ng study na iyan, 'yung reassessment na iyan ay positive at 'yun ang susundin, 'yung desisyon ng Pangulo as the chief of the foreign policy, chief architect of the country’s foreign policy. 'Yun ang dapat sundin.”
“Siyempre 'yung isyu na din kung if we are going to cooperate with the ICC probers although pwedeng i-separate 'yung isyu na iyan,” saad pa niya na pinatutungkulan ang pag-imbestiga ng ICC sa giyera kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang inihain kamakailan sa Kamara ang resolusyon na naglalayong himukin ang pamahalaan ng bansa na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Noon lamang Nobyembre 28, 2023 ay naghain din si Senador Risa Hontiveros ng kaparehong resolusyon sa Senado.
https://balita.net.ph/2023/11/28/hontiveros-hinimok-pamahalaan-na-makipagtulungan-sa-icc/
Ayon sa mga ulat, mahigit 6,000 katao ang pinatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan inihayag naman umano ng iba’t ibang international human rights organizations na nasa 12,000 hanggang 35,000 ang aktuwal na bilang ng mga nasawi dahil dito.