Mula 3,000 hanggang 5,000 persons deprived of liberty (PDL) o preso ang posibleng palayain bago matapos ang 2023, ayon sa pahayag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Sabado.
Paliwanag ni BJMP chief Ruel Rivera sa pulong balitaan sa Quezon City, resulta ito ng pagbibigay ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Ang GCTA ay pagbabawas ng sentensya ng mga bilanggo na nagpapakita ng mabuting asal sa loob ng piitan.
“Marami hong lalaya ngayong kapaskuhan. More or less, makakapagpalaya po kami ngayon ng mga 3,000 to 5,000 ngayong December," anang opisyal.
Sa datos ng BJMP, aabot na sa 74,000 preso ang pinalaya ng pamahalaan mula Enero hanggang Oktubre ng kasalukuyang taon.
PNA