Nakatakda nang simulan ang konstruksiyon ng anim na palapag na school building ng Aurora A. Quezon Elementary School compound sa Malate, Manila.

Mismong si Manila Mayor Honey Lacuna ang nanguna sa isinagawang ground breaking ng proyekto nitong Biyernes.

Metro

2 college students na magkaangkas sa motorsiklo, patay sa aksidente; 3 sugatan

Ang alkalde ay sinalubong ng school rondalla na binubuo ng mga bata, kasama ang mga school authorities sa pangunguna ng school principal na si Randy Emen, division of city schools superintendent Rita Riddle, city engineer Armand Andres, District 5 Congressman Irwin Tieng, City Councilors, faculty members, mag-aaral, kawani at magulang mula sa nasabing paaralan.

Ayon kay Andres, ang bagong gusali na itatayo ay may 75 silid-aralan, computer room, convertible hall at canteen, clinic at infirmary, lounge at dalawang elevator units.

"Sana, ang bagong gusaling itatayo dito ay maging inspirasyon di lamang sa mga batang mag-aaral upang magsipag at magsikap sa kanilang pag-aaral, kundi maging sa mga guro na lalo pang pag-igihin, pag-ibayuhin ang kanilang gawain sa paglinang at paghasa sa kaalaman ng kanilang mga mag-aaral," pahayag ni Lacuna.

Nanawagan din si Lacuna sa mga school authorities na pangalagaan nila ang bagong gusali pati na ang mga pasilidad nito, upang mapakinabangan pa ng mga susunod na henerasyon.

Aniya pa, "Pagsikapan din sana nating lahat na mapangalagaan at maingatan ito upang maraming mga kabataan ang makagamit nito at maging mahalagang bahagi ng kanilang karanasan sa pagkatuto at pag-aaral sa Aurora A. Quezon Elementary School dito sa lugar ng Malate."

"Ito ay alay natin sa mga Batang Manilenyo. Bahagi ng ating mga hakbang patungo sa pagsasakatuparan ng minimithi nating isang Maringal na Maynila," dagdag pa ng alkalde.

Binigyang-diin pa ni Lacuna ang kahalagahan ng edukasyon bilang natatanging kayamanan na maibibigay ng mga magulang at guardians sa kanilang mga anak at bilang matibay na pundasyon din na kanilang masasandalan sa hinaharap.

Ayon kay Lacuna, bawat bata ay may karapatan para sa de kalidad na edukasyon kaya naman ang lokal na pamahalaan ay palagiang nakikipagtulungan sa Department of Education (DepEd) upang patuloy na makahanap ng paraan upang tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral sa public schools.

"Sa pamamagitan ng masinop at maingat na pangangasiwa sa pondo ng ating lungsod ay patuloy din tayong makapagpapa-ayos, mapagpapatayo, makapagpapaganda ng mga pasilidad sa ating mga paaralan," sabi ng alkalde.