Pinarangalan bilang “Best Actor” ang award-winning actor na si John Lloyd Cruz sa 46th Gawad Urian nitong Huwebes, Nobyembre 30.
Si John Lloyd ay gumanap sa “Kapag Wala Nang Mga Alon” na nanalo rin ng “Best Film”. Iginawad naman ng nasabi ring award-giving body ang “Best Screenplay” kay Lav Diaz na siyang sumulat at nagdirek ng pelikula.
Nakasentro ang kuwento ng pelikula sa karakter na ginagampanan ni John Lloyd na si Lieutenant Hermes Papauran—isa sa mga pinakamahusay na imbestigador sa bansa—na minulto ng mga alaala ng nakaraan matapos masaksihan ang mga karahasan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasama niya sa nasabing pelikula sina Ronnie Lazaro, Shamaine Centenera Buencamino, at DMs Boongaling.
Pinalakpakan naman si John Lloyd para sa kaniyang binitawang speech matapos matanggap ang parangal.
“Salamat po sa lahat ng mangagawa sa pelikulang Pilipino na lumalaban para sa mga kuwento na dapat lumabas lalo na sa panahon na ito. Tapos na po ba ‘yung dalawang minuto ko? Ang bilis po, pero mas mabilis pa rin pumatay sa bansang ito,” aniya.
Bukod kina John Lloyd at Lav, nakuha rin ni Larry Manda ang “Best Cinematography” ng kanilang pelikula.