
(Manila Bulletin File Photo)
Halos 1,000 preso, irerekomendang mabigyan ng executive clemency -- DOJ
Nakatakdang irekomenda ng Department of Justice (DOJ) na mabigyan ng executive clemency ang halos 1,000 preso o persons deprived of liberty (PDL) ngayong Disyembre.
Sa pahayag ni DOJ Assistant Secretary, Spokesperson Mico Clavano nitong Biyernes, ang rekomendasyon ay ihaharap ng ahensya sa Malacañang at idinahilan na bahagi ito ng hakbang ng gobyerno upang masolusyunan ang siksikan sa mga kulungan sa bansa.
“Ang ginawa po ni Secretary on the President’s birthday and on Christmas, mayroon po tayong binibigay na listahan sa PPA (Parole and Probation Administration); and then eventually, aakyat po ‘yan sa Executive Secretary” ani Clavano sa pulong balitaan sa Malacañang.
“Last year, it was close to one thousand. So, we’re expecting a similar (number) this year,” aniya.
Kabilang aniya sa kuwalipikado para sa amnesty program ang matatanda at PWD (persons with disabilities).