Hinikayat ni House Speaker Martin Romualdez ang mga Pilipino na gawing gabay ang bayaning si Andres Bonifacio sa pagtahak umano sa landas ng pagkakaisa, katatagan, at pag-asa para sa mas mapayapang Pilipinas.

Sa kaniyang kaniyang Facebook post sa gitna ng pagdiriwang ng ika-160 anibersaryo ng kapanganakan ni Bonifacio nitong Huwebes, Nobyembre 30, binigyang-pugay ni Romualdez ang “diwa at sakripisyo” ng bayani.

“Ang kaniyang tapang at dedikasyon sa laban para makamit ang kalayaan ay patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa atin, lalo na sa pagharap sa mga hamon ng kasalukuyang panahon,” pahayag ni Romualdez.

“Nawa'y maging gabay natin ang kanyang halimbawa sa pagtahak sa landas ng pagkakaisa, katatagan, at pag-asa para sa mas maunlad at mapayapang Pilipinas.”

PBBM sa mga Pinoy: ‘Tularan ang kabayanihan ni Bonifacio’

“Mabuhay ang diwa ni Bonifacio! Mabuhay ang sambayanang Pilipino!” saad pa niya.

Ipinanganak noong Nobyembre 30, 1863, nakilala si Bonifacio bilang "Ang Ama ng Rebolusyong Pilipino" at tinatawag ding "Supremo.”

Itinatag niya ang Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) noong 1892, isang samahang nag-aklas laban sa pananakop ng mga Kastila at lumaban para kalayaan ng bansa.