Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na tularan ang kabayanihan at pagmamahal sa bayan ni Andres Bonifacio sa gitna ng paggunita ng ika-160 Bonifacio Day nitong Huwebes, Nobyembre 30.
Sa kaniyang talumpati na binasa ni Executive Secretary Lucas Bersamin, inilarawan ni Marcos si Bonifacio bilang isang ordinaryong Pilipino na nagpamalas ng “kakaibang giting, katatagan, at pamumuno sa oras ng matinding pangangailangan.”
“Inaanyayahan ko ang bawat isa na tularan ang kaniyang kabayanihan at pagmamahal sa bayan, at ipakita ang mga ito sa ating pang-araw-araw na gawain,” pahayag ni Marcos.
“Sa diwa ng bayaning si Gat Andres Bonifacio, tayo’y tinatawag hindi lamang na ialay ang ating buhay para sa Inang Bayan, kundi pati na ang pagbuhos ng ating kahusayan, galing, tapang, at oras, upang ang bawat hakbang natin ay maging ilaw ng pag-asa at inspirasyon para sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi rin ng pangulo na nakikita na rin niya ang kabayanihan ni Bonifacio sa dedikasyon at pagmamahal sa bayan ng mga Filipino worker, medical workers, mga guro, mga pulis at militar, at overseas Filipino workers (OFWs).
“Gaya nila, maaari nating ipagpatuloy ang nasimulan ni Gat Andres Bonifacio, at tiyaking maipamamana natin sa kabataan ang tunay at wagas na pagmamahal sa bayan tulad ng kaniyang ipinamalas,” ani Marcos.
“Ang bawat isa sa atin ay may mahalagang tungkulin sa pagsulong ng Pilipinas. Lahat ay dapat makilahok sa mga gawaing magpapayaman ng ating kultura, magpapaunlad ng ekonomiya, at lipunan lalo na ngayong sinisikap nating maitaguyod ang isang Bagong Pilpinas,” saad pa niya.
Si Bonifacio ang nagtatag at nagsilbing Supremo ng Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) noong 1892, isang samahang nag-aklas laban sa pananakop ng mga Kastila at lumaban para kalayaan ng bansa.