Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Nobyembre 30, dulot ng northeast monsoon o amihan at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan sa Apayao, Batanes, at Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands bunsod ng amihan.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posible umanong pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na ulan.

Medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains naman ang posibleng maranasan sa Ilocos Region, mga natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley dulot din ng amihan.

National

PBBM, masayang nakasama si ex-VP Leni: ‘A step towards political reconciliation’

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, ayon pa sa PAGASA, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms at ng easterlies o ang mainit na hanging nanggagaling umano sa karagatang Pasipiko.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Bukod sa mga kaulapan o cloud clusters, sa kasalukuyan ay wala umanong binabantayan ang PAGASA na low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).