Pormal nang sinimulan ng Manila Electric Company (Meralco) ang competitive bidding para sa 1,200 megawatts (MW) ng kanilang power supply requirement.

Sa isang pahayag, sinabi ng Meralco na sinimulan na nila ang competitive selection process (CSP) para sa 1,200-MW baseload requirement na layuning makahanap ng power suppliers upang masiguro ang availability ng sapat at maaasahang suplay ng kuryente sa kanilang mga kostumer.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Anang Meralco, ang pagdaraos ng CSP, na isang uri ng competitive public bidding, ay kasunod ng paglalabas ng Department of Energy (DOE) ng Certificate of Conformity ng Terms of Reference (TOR) para sa kanilang 15-year Power Supply Agreements (PSAs), na magiging epektibo sa sandaling maaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Kaugnay nito, nanawagan ang Meralco, sa pamamagitan ng kanilang Bids and Awards Committee (BAC) para sa PSAs, sa mga interesadong power generation companies na lumahok sa CSP.

Ang pagsusumite ng Submission of Expression of Interest para sa bidding ay sa Disyembre 11, 2023 na.

Sinabi ng Meralco na ang pre-bid conference para dito ay nakatakda sa Disyembre 18, 2023.

Ang deadline para sa pagsusumite ng bidding ay sa Enero 23, 2024.