Ipinaliwanag ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang naging sanhi ng pagkamatay ng elepanteng si Vishwa Ma’ali, mas kilala bilang ‘Mali’, nitong Martes, Nobyembre 28.

Sa isang press conference ng Manila local government unit (LGU) nitong Miyerkules, Nobyembre 29, ibinahagi ni Dr. Heinrich Patrick Peña-Domingo, chief veterinarian ng Manila Zoo, na base sa isinagawa nilang necropsy, posibleng namatay si Mali dahil sa congestive heart failure.

Ayon kay Domingo, nang isagawa nila ang necropsy ay una umanong bumungad sa kanila ang matigas na pancreas ni Mali, at tila mayroon na raw itong cancer dahil na rin daw sa katandaan.

Samantala, nakita rin umano nilang “slightly inflamed” ang kidneys ni Mali at nababalot ito ng mga taba.

Elepanteng si 'Mali' sa Manila Zoo, pumanaw na

Mayroon din daw makapal na taba ang aorta ng elepante.

“Maaari po ‘yun ang cause ng pagkamatay niya, ‘yung congestive heart failure, wherein nahihirapan na po ‘yung puso niyang i-pump ‘yung enough blood sa katawan dahil sa dami po ng organs na affected po sa kaniya,” ani Domingo.

Ayon pa sa chief veterinarian ng Manila Zoo, ang average lifespan ng isang Asian elephant tulad ng Mali ay nasa 40-45 taon. Inihayag naman ni Manila Mayor Honey Lacuna sa naturang press conference na nasa 43-anyos nang mamatay si Mali.

“Matanda na po talaga, nandoon po siya sa lifespan,” saad ni Domingo.

Matatandaang nitong Martes nang ihayag ni Lacuna na pumanaw ang nasabing Asian female elephant dakong 3:45 ng hapon.

Taong 1981 nang ibinigay umano sa pangangalaga ng lungsod si Mali mula sa bansang Sri Lanka.

Mula noon ay naging isa na nga siya sa mga dinadayo at nagbibigay-aliw sa mga turista ng Manila Zoo.

https://balita.net.ph/2023/11/29/salamat-mali-isang-pag-alala-sa-buhay-ng-nag-iisang-elepante-sa-bansa/