Natulungan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mag-aamang taga-Parañaque City na nag-viral dahil sa apat na oras na pagbibisikleta habang naghahanap ng ayuda kamakailan.

Sa pahayag ng DSWD-Field Office sa National Capital Region (NCR), tumanggap na ng financial assistance si Romy Manzano, 63, taga-Barangay San Dionisio, Parañaque, sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program.

Binanggit ng ahensya, nakipag-ugnayan muna sila sa Parañaque City government upang matunton si Manzano at mabigyan ng kaukulang tulong.

National

Dr. Edsel Salvana, nakatanggap ng 'Innovation Excellence Award for Research' mula sa PhilDev

Kaugnay nito, sinimulan na rin ng ahensya ang application process para sa Social Pension Program for Indigent Senior Citizens.

Nauna nang kumalat sa social media ang larawan ni Manzano na sakay ng bisikleta, angkas ang dalawang menor de edad na anak, habang patungo sa Parañaque City at nagbabaka-sakaling makakuha ng ayuda.

Matapos ang apat na oras na biyahe, walang naiuwing anumang tulong ang mag-aama.

“Maraming maraming salamat sa DSWD at kay Mayor Eric Olivarez, malaking tulong ito para sa aming pamilya, pang-gastos araw-araw at pambili ng gamot,” pahayag ni Manzano.

Sinabi pa ni Manzano na dati siyang welder at nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.