Inanunsyo ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na binubuksan na ang nominasyon para sa Pambansang Alagad ng Sining o National Artist para sa iba't ibang anyo ng sining.
Ayon sa opisyal na Facebook page ng NCCA, may hanggang Hunyo 30, 2024 ang pagtanggap ng nominasyon para sa mga karapat-dapat na indibidwal para Architecture and Allied Arts, Dance, Design, Film and Broadcast Arts, Literature, Music, Theater at Visual Arts.
"The nomination period for the Order of National Artist is now open until June 30, 2024!" mababasa sa kanilang Facebook post.
"The Order of National Artist or Orden ng Pambansang Alagad ng Sining, is the highest national recognition given to a Filipino individual who has made significant contributions to the Philippines through their achievements in the fields of Architecture and Allied Arts, Dance, Design, Film and Broadcast Arts, Literature, Music, Theater and Visual Arts."
"Nominations may be submitted by government and non-government cultural organizations, educational institutions, as well as private foundations and councils."
Noong Nobyembre 24 ay idinaos naman ang press conference para sa pagbubukas ng nominasyon na dinaluhan ng mga National Artists, at ginanap sa NCCA Tanghalang Leandro Locsin.
MAKI-BALITA: Panawagan para sa ‘Order of National Artist’ nominations, bukas na
Tamang-tama namang kamakailan lamang ay naging inspirasyon ng pambato ng Pilipinas sa Miss Universe 2023 na si Michelle Marquez Dee ang pinakamatanda at huling mambabatok o tattoo artist sa Pilipinas na si Maria Oggay o "Apo Whang-Od" na dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista sa Buscalan, bulubundukin ng Kalinga.
MAKI-BALITA: Michelle Dee, inihayag bakit si Apo Whang-Od inspirasyon sa evening gown
Lumakas ang panawagang baka puwede nang ikonsiderang National Artist o Pambansang Alagad ng Sining ang matanda dahil sa kontribusyon niya sa kultura ng bansa.
Subalit ayon sa artikulo ng Philippine Entertainment Portal o PEP, hindi raw eligible ang craft ni Apo Whang-Od para sa pagka-National Artist, batay sa pahayag ni NCCA Chairman Victorino Manalo.
Papatak daw kasi ang artistic craft ni Apo Whang-Od sa GAMABA o Gawad sa Manlilikha ng Bayan. Matagal nang lumulutang ang pangalan ni Whang-Od para sa nabanggit na award noon pang 2015, subalit hanggang sa kasalukuyan ay on-going pa rin ang deliberasyon para sa kaniya.
Saad naman ng NCCA deputy executive director na si Marichu Tellano, wala pa raw naipapasang nominasyon para kay Apo Whang-Od sa pagka-National Artist.
Katwiran naman ng mga nagsusulong na qualified si Apo Whang-Od sa pagiging National Artist, ang craft ng mambabatok ay nasa ilalim ng Visual Arts.
Bagama't hindi kinikilala bilang National Artist, naging recipient naman si Apo Whang-Od ng Dangal ng Haraya Award, isang parangal na iginagawad ng NCCA sa Filipino artists, cultural workers, mga historyador, artistic o cultural groups, historical societies, institutions, foundations, at councils, dahil sa kanilang mga kontribusyon at impact sa sining at kultura ng Pilipinas.
Bukod dito, nakatanggap din siya ng HIYAS Award for Indigenous Art mula naman sa Cultural Center of the Philippines (CCP) noong Setyembre 2022.