Nag-react si Senador Imee Marcos sa inihaing resolusyon ni Senador Risa Hontiveros na nag-uudyok sa pamahalaan ng bansa na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) hinggil sa imbestigasyon nito sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang inihain ni Hontiveros nitong Martes, Nobyembre 28, ang Senate Resolution No. 867 na naglalayong himukin ang gobyernong makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC upang matiyak umano hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng drug war ng nakaraang administrasyon.

Kaugnay nito, iginiit ni Marcos sa isang pahayag nito ring Martes na isa umanong gulo ang paghahain ni Hontiveros ng nasabing resolusyon.

Hontiveros hinimok pamahalaan na makipagtulungan sa ICC

“So they’re really looking for trouble. But [former] President Duterte has said repeatedly: Bring it on,” pagbibigay-diin ni Marcos.

“Para sa akin, ang totoo, desisyon ito ng Ehekutibo, ibig sabihin, ang ading (nakababatang kapatid) ko, si presidente, na paulit-ulit nang sinabi na hindi papapasukin ang ICC. Sang-ayon po ako doon,” saad pa niya.

Matatandaang ipinahayag ng kapatid ng senador na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isang panayam na hindi raw dapat ang taga-labas ang magdedesisyon hinggil sa imbestigasyon ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

https://balita.net.ph/2023/11/24/pbbm-di-dapat-diktahan-ng-taga-labas-ang-imbestigasyon-sa-drug-war-sa-ph/

Samantala, sinabi rin ng pangulo sa kaparehong panayam na pinag-aaralan umano ng pamahalaan ang posibleng pagbabalik ng Pilipinas bilang miyembro ng ICC.

https://balita.net.ph/2023/11/24/pbbm-sa-posibleng-pagbabalik-ng-pinas-sa-icc-thats-under-study/

Ang naturang pahayag ni Pangulong Marcos Jr. ay bilang reaksyon naman sa nauna nang inihaing resolusyon sa Kamara na nag-uudyok din sa pamahalaan na makipagtulungan sa ICC.

Ayon sa mga ulat, mahigit 6,000 katao ang pinatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan inihayag naman umano ng iba’t ibang international human rights organizations na nasa 12,000 hanggang 35,000 ang aktuwal na bilang ng mga nasawi dahil dito.