Naghain si Senador Risa Hontiveros ng resolusyon sa Senado na humihimok sa pamahalaan na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) hinggil sa imbestigasyon nito sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa iminungkahing Senate Resolution No. 867, binanggit ni Hontiveros na mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nangako umanong “isulong ang karapatang pantao at isang 'mataas na antas ng pananagutan' para sa mga paglabag sa karapatang pantao."

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Ang pinakamahusay na paraan para ipakita ng Malacañang ang kanyang pangako sa pagtataguyod ng mga karapatang pantao ay ang pakikipagtulungan sa ICC sa pagtiyak ng hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao, at sa pag-upgrade ng mga mekanismo ng mga proteksyon sa karapatang pantao sa Pilipinas. Ayon sa pinakahuling pahayag ng Pangulo, mukhang posible itong kooperasyon na matagal nang hinihingi ng mga biktima ng human rights violations at kanilang pamilya,” saad ni Hontiveros nitong Martes, Nobyembre 28.

Kamakailan lamang ipinahayag ni Pangulong Marcos Jr., na pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibleng pagbabalik ng Pilipinas sa ICC.

MAKI-BALITA: PBBM sa posibleng pagbabalik ng ‘Pinas sa ICC: ‘That’s under study’

Ayon sa resolusyon ni Hontiveros, ang pag-alis umano ng Pilipinas sa ICC noong Marso 16, 2018 ay hindi umano nangangahulugan na wala nang obligasyon ang bansa na makipagtulungan sa international tribunal.

“Ang Pilipinas sa kasaysayan ay nangunguna sa pagsusulong ng makataong batas at internasyonal na hustisya, at oras na para pagtibayin natin ang ating pangako sa mga pagpapahalagang ito sa harap ng internasyonal na komunidad,” nakasaad sa resolusyon ng senadora.

“Ang mga kamakailang pahayag ng Pangulo, kanyang mga kaalyado at kanyang mga kinatawan ay nagbibigay ng pag-asa para sa isang “gamechanger” para sa mga pamilya nina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, Reynaldo "Kulot" de Guzman, at libu-libong iba pang pamilyang Pilipino na naghahanap ng hustisya para sa karapatang pantao mga paglabag. Sana ay hudyat na ito ng mas matibay na pagpapahalaga ng pamahalaan sa hustisya at karapatang pantao - at hindi nagpapakitang tao lamang,” aniya pa.

Samantala, sinabi ni Vice President Sara Duterte na patuloy na aapela ang kaniyang tanggapan sa Department of Justice (DOJ) na huwag makipagtulungan ang pamahalaan ng bansa sa ICC.

MAKI-BALITA: VP Sara, aapela sa DOJ hinggil sa imbestigasyon ng ICC sa PH