Tila Merry na ang Christmas ng isang Batangueño matapos na palaring manalo ng ₱42 milyong jackpot prize ng MegaLotto 6/45 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes ng gabi.
Sa abiso nitong Martes, sinabi ng PCSO na matagumpay na nahulaan ng lucky bettor ang six-digit winning combination na 06-23-25-29-22-36 kaya't napanalunan ang total jackpot prize na ₱42,024,785.20.
Nabili umano ng lucky winner ang lucky ticket sa Batangas City.
Ayon sa PCSO, mayroon lamang isang taon ang lucky bettor upang kubrahin ang kanyang premyo, mula sa petsa ng pagbola dito.
Alinsunod sa Republic Act 1169, ang lahat ng premyong hindi makukubra ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.
Paalala pa ng PCSO, ang lahat ng premyong lampas sa ₱10,000 ay papatawan ng 20% tax, alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Samantala, muli ring nanawagan si PCSO General Manager Mel Robles sa publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro.
Ang MegaLotto 6/45 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.