Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang northeast monsoon o amihan at easterlies sa malaking bahagi ng bansa ngayong Martes, Nobyembre 28, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, Aurora, Quezon, Northern Samar, at Eastern Samar bunsod ng easterlies o ang mainit na hanging nanggagaling umano sa karagatang Pasipiko.

Maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Batanes, Cagayan, at Isabela dahil sa amihan.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.

National

VP Sara, may listahan daw ng ‘5 impeachable offenses’ ni PBBM

Inihayag din naman ng PAGASA na maaari ring magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms at ng easterlies.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Samantala, sa kasalukuyan ay wala umano silang binabantayan ang PAGASA na low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).