Nagbigay ng pahayag si Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte matapos palayain ng Hamas ang Pinoy caregiver na si Jimmy Pacheco na dinukot sa Israel.

Sa official Facebook page ni Duterte nitong Linggo, Nobyembre 26, nagpaabot siya ng taos-pusong pasasalamat sa pamahalaan ng Qatar, Egypt, at Iran.

“Ipinapaabot ko ang aking taos-pusong pasasalamat sa pamahalaan ng Qatar, Egypt, at Iran sa napakahalagang tulong ng mga ito para mapalaya ang Pilipino na si Jimmy Pacheco kasama ang iba pang mga bihag ng Hamas nitong Sabado,” saad ni Duterte.

“Ang kaligtasan ng ating kababayan na si Pacheco ay tagumpay din ng Marcos Administration sa pangunguna ng Department of Foreign Affairs, lalong lalo na ng mga kawani ng embahada ng Pilipinas sa Israel,” aniya.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Nanawagan din siya na patuloy umanong ipagdasal ang kaligtasan ng isa pang Pilipinong si Noralyn Bobadilla na dinukot din umano ng Hamas.

“Hangad natin ang pagtatagumpay ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng Israel at Hamas. Salamat po,” sabi pa niya.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na umano ng Philippine Embassy sa Israel si Pacheco.

MAKI-BALITA: Pinoy caregiver na dinukot sa Israel, kabilang sa 24 pinalaya ng Hamas — Marcos