Mismong sina Mandaluyong City Mayor Ben Abalos at Vice Mayor Menchie Abalos ang nanguna aa masiglang Pistang Daluyong fluvial parade sa Pasig River na idinaos nitong Linggo.
Kasama nila sa nasabing parada ang mga konsehal, barangay captains, at iba pang mga opisyal ng lungsod.
Nabatid na ang aktibidad ay isinagawa bilang paggunita sa ika-92 anibersaryo ng pagpapalit sa pangalan ng Bayan ng San Felipe, Rizal patungong Mandaluyong.
Ang makasaysayang yugto na ito ay itinakda sa Philippine Congress Act No. 3836 noong November 6, 1931.
Ang taunang fluvial parade, na isa sa mga tampok ng pagdiriwang, ay dumaan sa mga Barangay Mabini-J. Rizal, Namayan, Vergara, Hulo, Barangka Ibaba, Barangka Ilaya, at Buayang Bato. Ito ang mga barangay na ilan sa mga unang itinatag na komunidad na matatagpuan sa tabi ng Pasig River bago pa ito tinawag na Mandaluyong.
Ang masayang aktibidad ay nagbibigay suporta rin sa programa na "Pasig Bigyang Buhay Muli" ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Pagkatapos naman ng parada ay agad na nagtungo sina Mayor Abalos at mga opisyal ng lungsod sa Barangay Buayang Bato para pangunahan ang ceremonial painting ng mga bahay sa Buayang Bato na nasa kahabaan ng Pasig River.
Ang programa, na tinawag na Pintang Daluyong, ay kabilang sa paggunita sa anibersaryo ng Pistang Daluyong kung saan may 74 na bahay ang pipinturahan.
Kabilang din ito isa sa mga beautification projects ng pamahalaang lungsod na layunin naman na mapaganda ang mga kabahayan na matatagpuan sa gilid ng Pasig River.