(Pasintabi kay Jun Cruz Reyes)

Bukod kay Rizal, isa si Andres Bonifacio sa mga pinakasikat na bayaning personalidad sa kasaysayan ng Pilipinas.

Nakakalat din ang kaniyang mga imahe at pangalan sa kung saan-saan: sa dingding ng classroom, sa pabalat ng libro, sa kalsada, sa barya, o kaya’y sa t-shirt.

Siya lang naman kasi ang Supremo ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK na itinatag niya noong Hulyo 7, 1892 matapos mabigo ang isinusulong na reporma ng La Liga Filipina na binuo naman ni Rizal.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Bunga ng pagmamahalang Santiago Bonifacio at Catalina De Castro si Andres. Isinilang siya noong Nobyembre 30, 1863 sa Tondo, Maynila. Panganay sa anim na magkakapatid.

Kaya nang maulila sa edad na 14 na taon, siya na ang tumayong magulang sa mga kapatid. Gumawa at nagbenta siya ng mga bastong kawayan at papel na abaniko. Naging mensahero din siya at bodegero.

Bagama’t hindi nakatuntong sa mataas na antas ng edukasyon gaya ng mga ilustrado, binusog ni Andres ang kaniyang isip ng mga kaalaman sa pamamagitan ng pagbabasa ng iba’t ibang libro tungkol sa batas, medisina, kasaysayan, at panitikan.

At dahil wala raw henyo sa digmaan na walang sining sa katawan, si Andres ay isa ring aktor sa teatro. Tumutula rin siya at nagsusulat. Habambuhay nang uukit sa kamalayang Pilipino ang sanaysay niyang “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” at ang tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa”.

Simula noon, nabuksan ang isip ni Andres na ang mga Pilipino ay may likas na karapatan gaya ng mga Kastilang mananakop; na walang lahing nakahihigit sa kahit ano pa mang lahi.

Sa ganitong paraan mag-uugat ang pagnanasa niyang palayain ang bayan mula sa mga mapaniil na kamay ng mga Kastila. Kaya niya itinatag ang Katipunan na lumago at sumiklab noong Agosto 1896.

Pero sa halip na mamatay siya sa kamay ng mga kaaway, kapuwa Pilipino niya ang nagpatumba sa kaniya.

Marso 1897, nagkaroon ng halalan sa Tejeros para sa bagong gobyernong itatatag dahil sa pagkakaroon umano ng alitan sa pagitan ng dalawang pangkat ng mga Katipunero: Magdalo at Magdiwang.

Nanalong presidente si Heneral Emilio Aguinaldo. Director of the Interior o ministrong panloob naman si Andres. Pero isang Daniel Tirona ang tumutol sa pagkapanalo ng Supremo dahil sa kakapusan umano nito ng edukasyon.

Hindi nagustuhan ni Andres ang sinabing iyon ni Tirona. Kaya ginamit niya ang pagiging supremo ng Katipunan para ipawalang-bisa ang halalan.

Dito na nagsimulang pagtangkaan ang buhay ni Andres. Pagdating sa Maynila, sinundan siya ng mga sundalo ng Magdalo at hinuli para litisin sa Maragondon, Cavite. Doon ay hinatulan siya ng kamatayan dahil umano sa pagtataksil sa bayan.

Noong Mayo 10, 1897, pinatay si Andres ng mga sundalong Pilipino sa Bundok Nagpatong kasama ang kapatid na si Procorpio.

Hindi maitatanggi na masaklap at malungkot ang sinapit na kamatayan ni Andres. Ito ang dahilan kung bakit kailangan natin siyang hubaran nang paulit-ulit. Imbestigahan. Suriin. Dahil ang pagkatao niya ay balon ng mga aral para sa ikabubuti ng naghihingalong bayan.