Bilang pakikiisa ng Department of Education o DepEd sa “Araw ng Pagbasa” nitong Lunes, Nobyembre 27, nagbigay ang departamento ng ilang tips kung paano magsimula ng reading habit.
“Isa sa priyoridad ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa ilalim ng MATATAG Agenda ang pagsusulong at pagpapaunlad ng pagbasa at literasiya upang maitaguyod ang critical thinking ng mga Pilipinong mag-aaral,” pahayag ng DepEd.
Dagdag pa ng ahensya: “Kaya naman sa pagdiriwang natin ngayong Araw ng Pagbasa, narito ang tips na makatutulong upang masimulan natin ang habit ng pagbabasa.”
Una, ayon sa kanila, mahalagang bumuo raw ng reading list. Tipunin lahat ng librong gustong basahin. Hindi mahalaga kung sikat o hindi.
Ikalawa, maglaan ng oras sa pagbabasa. Isingit sa schedule. Hindi kailangang gumugol ng mahabang oras. Kahit 30 minuto lang ay sapat na. Dahil hindi naman daw karera ang pagbabasa.
Ikatlo, pumunta sa mga lokal na aklatan o book nooks. Lawakan ang kaalaman sa pamamagitan ng pagbisita sa mga nasabing lugar. Posible ring makatuklas ng mga bagong genre na pwedeng magustuhan.
Ikaapat, humanap ng mga bookish friend. Magandang paraan ang pagkakaroon ng kaibigan palabasa. Sa pamamagitan ng pagkukuwento sa mga ito tungkol sa librong binasa, mare-retain sa isip ang mga detalye at impormasyong nakuha mula sa libro.
Ang “Araw ng Pagbasa” ay alinsunod sa mandato ng Republic Act. No. 10556 na naglalayong isulong ang kultura ng pagbabasa.