Malaki ang silbi ng panitikan sa paglikha ng empatiya sa damdamin ng tao. Hindi lang ito basta pagpapahanap ng moral lesson. O pagmememorya kung sino ang mga tauhan sa maikling kuwento at nobela. Tinuturo nito kung paano unawain ang mga tao sa loob ng partikular na lipunan.

Kaya bilang pakikiisa sa “Araw ng Pagbasa”, narito ang limang libro na mahalagang isaalang-alang sa pagbabasa ng literaturang Filipino

1. Responde ni Norman Wilwayco

Isa sa mga katangian ng “Responde” ay nagbubukas ito ng pinto para sa napakaraming posibilidad pagdating sa paraan ng pagbabasa at pagsusulat.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sa koleksiyong ito ng maiikling kuwento ni Wilwayco, malalaman na hindi pala palaging kailangan ang mabulaklak na salita—kagaya ng akala natin noong hayskul — para masabing maganda ang piyesang isinulat. At pwede palang magsimula ang kwento sa gitna at magtapos sa simula.

Marahas at mapangahas ang mga akda. Kailangan ang tatag ng loob at tibay ng sikmura. Hahamunin ang mambabasang igpawan ang kung anong kinasanayan na itinatakda ng kung sino sa panulat man o sa buhay.

2. Etsa-puwera ni Jun Cruz Reyes

Binaybay ng “Etsa-pwera” ni Amang Jun Cruz Reyes ang mga histrocial event sa Pilipinas mula noong pre-colonial hanggang sa matapos ang ika-20 siglo.

Pero sa nobelang ito, wala kina Rizal, Bonifacio, Aguinaldo, Del Pilar, Marcos, Aquino at sa iba pang mga sikat na personalidad ng kasaysayan ang spot light.

Kumbaga sa pelikula, cameo lang sila. Ang talagang may hawak ng point of view sa “Etsa-pwera” ay ang mga kagaya nating nasa periperal na bahagi ng lipunan.

Kaya madaling maka-relate sa mga tauhan. Hindi mo mararamdamang alienated ka bilang mambabasa kumpara sa karaniwang history books na sangkatutak ang listahan ng footnotes, dates, at achievements ng kung sino-sinong tao. Ipinaramdam ng nobela na may potensyal ang sinoman na maging bahagi sa paglikha ng kasaysayan maski hindi kasing-engrande nina Rizal ang pagkatao.

3. Bayan ng mga Bangkay ni Chuckberry Pascual

May mga gaya ni Chuckberry Pascual na piniling maging gising sa gitna ng dilim sa halip na managinip dahil masyadong nakakabahala at nakakagambala ang mga nangyayari sa paligid. Kaya siguro tinablan siya ng takot. At habang ang iba sa atin ay mahimbing pa ring natutulog o nagtutulug-tulugan, itinala niya ang mga pangyayari na dapat ay nasaksihan natin sa koleksiyong ito ng maiikling kuwento. Para kung sakali mang biglang maalimpungatan ang sinoman, maigagala niya sa nakakasulasok at nakakasukang “Bayan ng mga Bangkay”.

Ibabalik ni Pascual ang nawalang tino ng bayan sa pamamagitan ng pananakot. At sigurado akong wala nang mas nakakatakot pa sa katotohanan na ang libro niyang ito ay kapirasong reyalidad na nag-aanyong katha.

Kaya sa tingin ko’y sapat na muna ang pagtatangkang ito ni Pascual—ang takutin tayo sa kasalukuyang kalagayan ng lipunang ginagalawan natin sa panahon na parang wala na tayong kinakatakutan. Dahil ano nga ba muna ang unang nararamdaman ng tao bago siya naging ganap na matapang?

Hindi ba’t natakot muna siya bago nagpasyang lumaban?

4. Sa Aking Panahon ni Edgardo M. Reyes

Sa lahat ng mga nagsasanay o nagtuturo kung paano magsulat ng

maikling kwento, nararapat lang na basahin ang “Sa Aking Panahon” ni Edgardo M. Reyes.

Interesante ang librong ito ni Reyes dahil sa kada maikling kwento, may tala

Siya tungkol sa kanyang buhay-manunulat at sa komunidad na kinabibilangan niya.

Kaya paunti-unti siyang makikilala ng mga mambabasa hanggang sa hindi nito namamalayan na hinahangaan na nito si Reyes hindi na lang bilang manunulat kundi bilang tao.

Hindi lang kasi manunulat si Reyes. Nananalaytay din sa dugo at panulat niya ang pagiging manggagawa.

Ayon sa panayan ng Likhaan kay Reyes noong 2008, siya ay naging tubero, atsoy,

mensahero, piyon at kung ano-ano pa.

Hindi rin nakatapos ng kolehiyo at puro line of 7 pa ang mga grades noong high school. Gaya rin siya ng marami. Ordinaryo. Kaya ang mga kwentong matitisod sa koleksyong ito ay

pamilyar sa sambayanang Pilipino.

5. Desaparesidos ni Lualhati Bautista

Siguro’y hindi ito kasing-sikat ng naunang nobelang “Dekada ‘70” ni Bautista na tungkol din sa panahon ng Martial Law. Pero puwedeng sabihing mas matapang at mas mapangahas ang panulat niya dito sa “Desaparesidos”.

Sa katunayan, ayon kay Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Bienvenido Lumbera: “Kalunos-lunos ang nilalaman ng bagong nobela tungkol sa paglasog ng mga kabuktutang militar sa pamilya ng mga rebolusyonaryong nasa kanayunan”.

Matutunghayan sa nobelang ito ang kuwento ng nakipagsapalaran ni Ana sa masalimuot na yugto ng kasaysayan ng Pilipinas.

Damhin ang kaniyang galit nang makita niya ang kalunos-lunos na bangkay ng kaniyang asawa na idinisplay sa plaza. Damhin ang hinagpis niya nang babuyin ng mga militar ang kaniyang pagkababae. Damhin ang pangungulila niya noong mga panahong hindi niya kasama ang kaniyang anak dahil sa kaniyang ipinaglalabang paniniwala.

Sana makatulong ang listahang ito. Pero tandaan, gabay lang ang mga ito. Malawak ang mundo ng literaturang Filipino. Mayroonn tayong free will. Gamitin natin ito.