"By allowing ICC (International Criminal Court) to come, it's telling the world na wala tayong tinatago dito.”

Ito ang pahayag ni Manila 6th district Rep. Bienvenido Abante Jr., chairman ng House Committee on Human Rights, hinggil sa usapin ng pag-imbestiga ng ICC sa madugong giyera kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang inihain kamakailan ni Abante ang House Resolution No. 1477 na naglalayong hikayatin ang administrasyon ng Pilipinas na makipagtulungan sa ICC sa imbestigasyon nito sa nangyaring war on drugs sa bansa.

“Gusto lang nating ipakita sa ICC at sa buong mundo na rin na gumagana ang ating justice system," giit ng mambabatas.

PBBM sa posibleng pagbabalik ng ‘Pinas sa ICC: ‘That’s under study’

Samantala, binigyang-diin din ni Abante na bagama't dapat payagang mag-imbestiga ang ICC, hindi umano nila maaaring usigin ang sinuman sa loob ng bansa.

“They can come in and investigate and even ask questions sa family of the victims pero they cannot prosecute here,” ani Abante.

Matatandaan namang inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kamakailan na pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibleng pagbabalik ng bansa bilang miyembro ng ICC.

Sinabi ito ng pangulo sa kabila ng posisyon niya sa isyu na hindi raw dapat ang taga-labas ang magdedesisyon hinggil sa imbestigasyon ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

https://balita.net.ph/2023/11/24/pbbm-di-dapat-diktahan-ng-taga-labas-ang-imbestigasyon-sa-drug-war-sa-ph/

Ayon sa mga ulat, mahigit 6,000 katao ang pinatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan inihayag naman umano ng iba’t ibang international human rights organizations na nasa 12,000 hanggang 35,000 ang aktuwal na bilang ng mga nasawi dahil dito.