Pinagbawalan umano ng gobyerno ng Nicaragua na makabalik sa kanilang bansa ang national director ng Miss Universe Nicaragua matapos ang pagkapanalo ni Nicaraguan beauty queen Sheynnis Palacios sa nagdaang 72nd Miss Universe sa El Salvador.
Sa ulat ng Agence France Presse, mula sa airport sa Managua ay pinigilan umano si Miss Nicaragua national director Karen Celeberrti at ang kaniyang anak na babae na makapasok sa kanilang bansa kamakailan, at inilagay sa isang flight pabalik sa Mexico kung saan sila bumisita para sa gaganaping Miss Universe 2024 doon.
Hindi pa naman daw malinaw kung ano ang batayan sa pag-ban kina Celebertti na pumasok sa Nicaragua, at wala pa raw komento ang gobyerno sa naturang usapin.
Itinuturing umano si Sheynnis bilang simbolo ng oposisyon ng gobyerno ng Nicaragua, kung saan pinaghihinalaan umano ang kaniyang kulay puti at asul na evening gown bilang simbolo ng pagtutol sa pamahalaan.
Inilarawan pa umano ng maraming exiles sa Nicaragua ang evening gown ni Sheynnis, na kahawig ng imahen ng Birhen ng Immaculada Concepcion, bilang simbolismo sa gitna ng pagsugpo umano ng gobyerno ng kanilang bansa sa Simbahang Katoliko.
Bukod dito, nag-aral umano ang Nicaraguan beauty queen sa Central American University, isang Jesuit school na isinara ng gobyerno noong Agosto dahil ito raw ay isang "sentro ng terorismo."
“Thank you for bringing joy to our suffering people, thank you for giving us hope," saad naman sa X post ni Monsignor Silvio Baez, ang auxiliary bishop ng Managua at kasalukuyang naka-exile sa United States.
Matapos umano ang government clampdown sa mga nagpoprotesta sa Nicaragua noong 2018, mahigit 350 daw ang nasawi at mahigit 100,000 ang ipinatapon. Mula noon, ikinulong na ng gobyerno sa naturang bansa ang daan-daang mga kritiko nito, ayon pa sa ulat ng AFP.
Samantala, may mga naiulat din na dalawang visual artists umano sa Nicaragua kamakailan ang pinigilan sa pagpinta ng murals bilang tribute sa kinoronahang Miss Universe, na sa kauna-unahang pagkakataon ay galing sa kanilang bansa.
Sa isa namang pahayag sa AFP, nanawagan ang Miss Universe Organization sa gobyerno ng Nicaragua na siguruhin ang kaligtasan ng mga nauugnay sa local affiliates ng pageant.
"We are working to guarantee the safety of all members of the organization, and we call on the government of Nicaragua to guarantee their safety," nakasaad sa pahayag.
Matapos namang manalo sa prestihiyosong pageant, lumipad si Sheynnis sa New York City kung saan siya titira para tuparin ang kaniyang tungkulin bilang Miss Universe 2023.
Habang sinusulat ito’y wala pang komento si Sheynnis sa nangyari.