Nabagbag ang damdamin ng review center owner at naging senatorial aspirant na si "Carl Balita" matapos mag-viral ang isang Facebook post tungkol sa isang babaeng service crew na nagtatrabaho sa isang chicken inasal fast food chain.

Nag-trending ang kuwento ni "Jolivie" dahil katunog ng pangalan niya ang pangalan ng isang sikat na fast food chain, kaya kinaaliwan ng mga netizen na sa ibang fast food chain siya nagtatrabaho.

Subalit ang nakaaaliw na post ay may malalim at makabagbag-damdaming kuwento pala.

Napag-alamang si Jolivie ay puwede na sanang maging ganap na professional teacher matapos maka-graduate sa kursong Education, subalit hindi raw siya makapag-proseso ng mga papeles sa Professional Regulatory Commission o PRC dahil mali ang pangalan niya sa school records at birth certificate.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sa birth certificate daw kasi, "Jollibee" ang nakalagay na pangalan subalit ang ginagamit niya ay "Jolivie."

Dahil dito, umani ng iba't ibang suhestyon mula sa mga netizen kung paano masosolusyunan ang kaniyang problema. Ilang abogadong netizen pa ang nagbigay ng legal advice sa puwede niyang gawing hakbang.

Nakarating sa kaalaman ni Balita ang problema ni Jolivie kaya nagpatulong siya sa social media upang mahanap siya.

Siya na raw ang bahala sa lahat ng mga gastusin nito kaugnay ng name discrepancy. Siya na rin daw ang bahala sa review nito.

"Hinahanap ko sya!"

"Gusto ko sya tulungan hanggang dulo."

"Ayusin natin sa PSA/ NSO even sa school nya."

"Sagot ko na review at expenses ng pag-aayos ng pangalan nya. Tulungan nyo akong hanapin sya," anang Balita sa kaniyang Facebook post.

Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang updates si Balita kung nakapag-usap na sila ni Jolivie.