Nanawagan si Vice President Sara Duterte nitong Sabado sa publiko na suportahan ang mga bagong halal na Barangay at Sangguniang Kabataani official upang matamo ang patuloy na pag-unlad ng bansa.
“Hinihingi ko po ang inyong suporta sa gobyerno. Hinihiling na ibigay ang buong suporta sa mga bagong halal na barangay officials, mayor, vice mayor, at iba pang opisyal dahil ang mga tao na nagkaka-isa sa likod ng pamahalaan ay doon nakikita ang tuloy-tuloy na kaunlaran ng isang lugar," bahagi ng talumpati ng bise presidente sa Urdaneta Sports Complex sa Pangasinan.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Duterte na dapat na iwasan ang mga grupong nanggugulo at sangkot sa illegal activities.
"Kasama ang pakiki-usap na huwag suportahan ang mga tao na pilit nanggugulo sa mga barangay at lugar niyo, gaya ng mga kriminal, terorista, NPA (New People's Army), mga scammer, swindlers, at mga nagbebenta ng ilegal na droga," anang bise presidente.
"Huwag kayong pumayag na magulo ang inyong komunidad. Dapat lagi kayong nasa panig ng gobyerno," dagdag pa ni Duterte.
Bumisita si Duterte sa Urdaneta City at sa Binalonan upang mamahagi ng gift packs sa mahihirap na pamilya at vulnerable sector.
PNA