Usap-usapan ang Facebook post ng isang photographer na si "Seven Barretto" matapos nitong ilabas ang hinanakit sa isang kliyenteng hindi pinangalanan, na matapos daw kunin ang kaniyang serbisyo ay binabayaran lamang siya ng ₱8,000.
Aniya, ang nabanggit na halaga ay hindi sasapat sa kaniya dahil kailangan pa niyang magbayad ng assistants.
Hindi binanggit ni Seven kung sino o anong kompanya ang kumuha ng kaniyang serbisyo, subalit nabanggit niyang pinag-shoot siya ng napakaraming artista.
"Nakaka-offend yung pinag-shoot ka ng pagkadami-daming artista. 8k lang pala ibibigay sayo. Kulang pa yan pambayad sa assistants ko. This really shows kung gaano kababa respeto nyo sa creatives," mababasa sa kaniyang Facebook post noong Nobyembre 21.
Sa comment section naman ay ipinagpatuloy ni Seven ang pagbabahagi ng karanasan. Ibinahagi niya ang screenshots ng kanilang pag-uusap ng nakikipag-coordinate sa kaniya. Bukod sa mababang rate, inireklamo rin ni Seven ang hindi man lang daw pagpapakain o pagbibigay ng inumin sa kanila.
Makikitang maayos at tinanggap ng kausap ni Seven ang pagkakamali sa kanilang parte. Nakiusap naman si Seven na sana ay huwag nang maulit ang mga ganitong klaseng sistema.
Batay pa sa comment section, mukhang effective ang ginawang paglalabas ng sama ng loob ni Seven, dahil ang sumunod na kliyente niya ay nagbayad na nang tama at nagpakain pa.
"Mukhang effective po ang pag-speak up natin last night. Pay after tayo today for a campaign shoot. Masarap din po pakain🥺
Thank you po 🫶🏾 hahahahahaha sana lahat po tayo makaranas nito 🙏🏾," aniya.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Seven, 10 taon na pala siyang nagtatrabaho bilang fashion and commercial photographer. Ang kaniyang mga kliyente ay kadalasang malalaking publication at advertising company. Sa kasamaang-palad ay hindi na raw na-settle ang concern niya.
"No, this will not be settled unless they change the system," aniya.
Sa bad trip daw niya ay hindi na niya kinuha ang bayad sa kaniya.
Kaya naman, may mensahe siya para sa kaniyang future clients na kukuha sa kaniyang serbisyo, at para na rin sa kapakanan ng kaniyang kapwa photographers.
"First, pay us on time. Pay based on the deliverables, treat us with respect during shoots even our team. They are a big part of the shooting process and should not be neglected. Enough with 'editorial rate' as these companies earn big from their partner brands and sponsors. Allot a budget beforehand and process immediately. It's time to give us what we deserve," aniya.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!