Tinatayang 41% ng mga Pilipino ang naniniwalang hindi nagbago ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa nakalipas na 12 buwan, ayon sa Social Weather Stations (SWS) nitong Sabado, Nobyembre 25.
Sa tala ng SWS, 28% naman umano ang naniniwalang bumuti ang kalidad ng kanilang pamumuhay (tinatawag na “Gainers”), habang 30% naman ang nagsabing lumala ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa nakalipas na 12 buwan (“Losers”).
“This gives a Net Gainers score of -2 (% Gainers minus % Losers), classified by SWS as fair (– 9 to zero),” anang SWS.
Ayon pa sa SWS, ang naturang September 2023 Net Gainer score ay 13 puntos na mas mababa sa “very high” na +11 noong Hunyo 2023. Ito rin umano ang pinakamababa mula sa -2 na datos noong Hunyo 2022.
Isinagawa umano ang nasabing survey mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 1, 2023 sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 indibidwal na ang edad ay 18 pataas.