Pinagkalooban ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng amnestiya ang ilang grupo ng mga rebelde bilang bahagi umano ng peace initiatives ng administrasyon.
Ito ay alinsunod sa inamyendahang Executive Order (EO) No. 125, series of 2021 o ang paglikha ng National Amnesty Commission (NCA) sa pamamagitan ng paglagda ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa EO No. 47 noong Miyerkules, Nobyembre 22.
“There is hereby created the National Amnesty Commission, hereinafter referred to as the Commission, which shall be primarily tasked with receiving and processing applications for amnesty and determining whether the applicants are entitled to amnesty under Proclamation Nos. 403, 404, 405 and 406,” nakasaad sa naturang kautusan.
Sa ilalim ng Proclamation No. 403, kasama sa mga rebeldeng binigyan ng pangulo ng amnestiya ang mga miyembro ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas, Revolutionary Proletarian Army o ang Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB).
Gayunpaman, hindi umano sakop nito ang mga gumawa ng krimeng kidnap for ransom, massacre, panggagahasa, terorismo, mga krimen na ginawa laban sa kalinisang-puri gaya ng tinukoy sa Revised Penal Code, mga krimen na ginawa para sa personal na layunin, paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, malalang paglabag sa Geneva Convention of 1949, at genocide, mga krimen laban sa humanity, war crimes, torture, sapilitang pagkawala, at iba pang matinding paglabag sa karapatang pantao.
Sa ilalim naman ng Proclamation No. 404, pinagkakalooban ng amnestiya ang mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Samantala, hindi rin naman umano sinasaklaw ng amnestiyang ipinagkaloob sa ilalim ng naturang Proklamasyon ang mga krimeng hindi rin sakop ng Proclamation No. 403.
Bukod dito, sa ilalim ng Proclamation Nos. 405 at 406, binibigyan ng amnestiya ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) na nakagawa ng mga krimen na may parusa sa ilalim ng Revised Penal Code at Special Penal Laws.